Ikinagulat ng mga abogado ng depensa at tagausig nang aminin at maghayag ng “guilty plea” ang siyam na junior officers na miyembro ng Magdalo Group sa pagpapatuloy kahapon ng paglilitis kaugnay sa partisipasyon nila sa 2003 Oakwood mutiny sa Makati City Regional Trial Court (RTC).
Nagsumite ng manifestation kung saan pinalitan ang unang inihaing “not guilty plea” sa “guilty plea” sa sala ni Makati RTC Judge Oscar Pimentel ng branch 148 sina Army officers Capts. Gerardo Gambala, Milo Maestrocampo, Albert Baloloy, John Andres at Alvin Ebreo at Lts. Lawrence Luis Somera, Florentino Somera, Christopher Brian Yasay at Cleo Dongga-As.
Maliban kay Sen. Antonio Trillanes IV, kabilang sina Gambala, Maestrocampo, James Layug at Marine Capt. Gary Alejano sa itinuturong lider ng grupo na kumubkob sa Oakwood Hotel noong Hulyo 27, 2003.
Hindi naman nakasipot sa naturang pagdinig si Trillanes at ang pito pang akusado, kabilang sina Layug at Alejano na nakaratay pa sa AFP Medical Center dahil sa dengue.
May hinala naman si Atty, Ernesto Francisco, Jr., abogado ng depensa na posibleng pumasok sa isang kasunduan sa Malacanang ang siyam na opisyal kapalit ng mababang hatol sa kanila.
Dagdag pa ni Francisco na posibleng alam na ng tagausig ang gagawing pag-amin ng siyam na akusado dahil kaagad na nagrekomenda si State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na makulong ng mula 17-20 taon sina Gambala at Maestrocampo habang 10-12 taon naman sa anim pang opisyal.
Tinanggi naman ni Fadullon ang bintang ng depensa at sinabing nakapagpagaan ang pag-amin ng siyam kaya inirekomenda niya ang hatol, bukod sa naging tahimik naman ang pagsuko ng mga sundalo at nakipagtulungan sa pagpapatuloy ng paglilitis.
Sa April 8 itinakda ni Judge Pimentel ang pagbaba ng hatol laban sa siyam. (Rose Tamayo-Tesoro)