Hinirang si Cotabato City Mayor Muslimin Sema bilang bagong Chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) kapalit ng detinidong founder ng grupo na si Nur Misuari matapos ang paspasang pagpupulong ng Central Committee nitong Martes sa Pagadian City.
Kahapon kinumpirma mismo ni Sema, dating Secretary General ng MNLF na siya na ang bagong mamumuno sa MNLF. Inihayag ni Sema na makikipagtulungan siya sa gobyerno upang mapanatili ang kapayapaan at katahimikan sa rehiyon ng Mindanao.
Si Misuari ay nahaharap sa kasong sedisyon matapos lusubin ng mga tauhan nito ang dating himpilan ng Army’s 104th Brigade sa Busbus, Jolo, Sulu noong 2001 na pumatay ng mahigit 100 katao.
Si Misuari ay kasalukuyang naka-house arrest sa New Manila, Quezon City. Itinatag niya ang MNLF noong 1972. Nanungkulan din si Misuari bilang ARMM governor. (Joy Cantos)