Utol ni Lozada walang alam sa ‘kidnapping’
Nabigo ang kampo ni Jun Lozada na patunayan sa Korte na talagang kinidnap ito noong dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Pebrero 6,2008 mula sa Hongkong.
Sa pagharap kahapon ng kapatid ni Lozada na si Arthur sa Court of Appeals (CA) 17th division kaugnay sa kasong isinampa nilang writ of amparo petition, inamin nito sa mga Mahistrado na wala siyang ideya o alam kung ano talaga ang nangyari sa kanyang kapatid ng dumating ito sa NAIA.
Nilinaw pa nito na ang kanyang testimonya sa korte na umano’y dinukot ang kanyang kapatid ay binase lamang nito sa naging pahayag ni Jun Lozada nang humarap ito sa imbestigasyon ng Senado.
Maging ang mga respondent sa kaso na sina Pangulong Gloria Arroyo, Executive Secretary Eduardo Ermita, PNP Chief Avelino Razon at NAIA Asst. Manager Angel Atutubo ay hindi umano niya nakita sa NAIA nang sinundo nito ang kanyang kapatid.
Kahit na mayroon umanong sinasabi sa kanila si Jun Lozada na may banta ito sa kanyang buhay, tanging si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos lamang ang alam nilang may ginagawang direktang banta sa buhay nito.
Dahil dito kaya pinunan ni Justice Cecilia Leagogo ang mga abugado ni Lozada kung bakit nila hinayaang magtestigo si Arthur Lozada sa isang insidente o pangyayari na wala itong direktang alam. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending