Nagkasundo na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ilang tutol na Metro mayors sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) 712 o single ticketing scheme.
Sa panayam kay MMDA chairman Bayani Fernando, sinabi nito na napagkasunduan ng kanyang ahensiya at ng lahat ng Metro mayors sa huli nilang pagpupulong kamakalawa na iisang traffic violation ticket na lamang ang iisyu sa bawat lungsod ng Metro Manila.
Kapag ang sinumang motorista na mahuhuli sa paglabag sa batas-trapiko at nauna ng maisyuhan ang mga ito ng lokal traffic enforcers ng violation ticket ay hindi na pwe deng isyuhan pa ng ticket mula sa MMDA.
Gayundin, kapag ang mga traffic enforcer naman ng MMDA ang unang makahuli sa mga traffic violators ay ang ticket mula sa nasabing ahensiya ang iisyu at hindi na kailangan pang isyuhan ito ng ticket mula sa lokal na pamahalaan o ng local traffic enforcers.
Napagkasunduan din sa nasabing pulong na tanging ang mga national roads lamang gaya ng EDSA ang sakop ng paniniket ng MMDA, habang ang mga lansangan naman na sakop ng mga lokal na pamahalaan ay ipaubaya na lamang sa mga local traffic enforcers o sa mga lungsod.
Sa kabila nito, ang MMDA pa rin umano ang mamumuno o magmamatyag sa pagpapatupad sa nasabing Metro Traffic Ticketing system.
Inaayos na ang paglatag ng memorandum of agreement (MOA) hinggil sa nasabing kasunduan kung saan ay muli silang magpupulong para sa final approval at signing nito.
Batay naman sa nakalap na impormasyon, napilitan umanong magkasundo ang MMDA at ang hindi pabor na mga Metro mayors sa implementasyon ng EO 712 ni Pangulong Arroyo makaraang ulanin ng bantang kilos-protesta ang mga ito kung saan bago pa man ang nasabing pagpupulong ay una ng sinampolan ng mga demonstrador ang nasabing ahensiya.
Ayon sa mga demonstrador, kinakailangang resolbahin na ng MMDA at Metro mayors ang isyu sa lalong madaling panahon at kung hindi ay mas malalang kilos-protesta o transport strike umano ang bubulaga sa mga lungsod ng Kalakhang Maynila.
Ang mga alkalde na tutol sa single ticketing ay sina Benhur Abalos ng Mandaluyong City, Wenceslao “Peewee” Trinidad ng Pasay City, Jose Victor “JV” Ejercito ng San Juan City at Toby Tiangco ng Navotas City.