Mas matinding init pa ang mararamdaman sa Abril at Mayo at sa pagtaya ng PAGASA, posibleng umabot sa 40 degree centigrade ang temperatura.
Sa panayam kay Nathaniel Cruz, head ng weather branch ng PAGASA, pumasok na sa bansa ang hangin mula sa silangan o hanging silanganin na mula sa Philippine Sea kaya inaasahang aabutin ng 40 centigrade ang temperatura sa Region 2 partikular sa Cagayan valley dahil mas mainit na lugar ito sa bansa, samantalang sa Metro Manila ay aabutin ng mula 36-38 degree centigrade.
“Kapag naging 36 hanggang 38 centigrade ang temperatura sa Metro Manila, mararamdaman ng mga tao ay parang 40 centigrade ang init at sa Cagayan valley naman sa region 2 kapag umabot na sa 40 centigrade ang temperatura ang pakiramdam ng mga tao ay 43 centigrade,” pahayag ni Cruz.
Sinabi ni Cruz na nagiging ganito ang panahon sa bansa dahil sa epekto ng relative humidity o ang amount ng water vapor sa atmosphere.
“Dito sa atin sa Pilipinas, madaming water vafor sa atmosphere kaya ang tao kapag pinawisan hindi agad natutuyo ang pawis at malagkit yan ay dahil sa epekto ng relative humidity.. dun naman sa Saudi Arabia, mababa ang water vapor kaya pag pinawisan ang mga tao dun ay tuyo agad ang pawis,” paliwanag pa ni Cruz
Gayunman, sinabi ni Cruz na bagamat summer at mainit ang panahon sa Abril at Mayo, mayroon pa ring mararanasang paminsan-minsang pag-ulan dahil naman sa epekto ng La Nina phenomenon.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Cruz ang publiko na huwag masyadong mag babad sa init dahil baka hindi makayanan at mahilo, uminom ng mas maraming tubig, magsuot ng maluluwang at preskong damit at magpayong o mag lagay ng anumang pananggalang sa katawan para hindi direktahang mainitan. (Angie dela Cruz)