Cory merong colon cancer
Merong sakit na colon cancer si dating Pangulong Corazon Aquino, ayon sa anak niyang aktres at television host na si Kris.
Sinabi ni Kris sa isang pahayag kahapon na lumitaw sa maraming pagsusuri ang naturang sakit ng kanyang ina.
Sinabi pa ni Kris na ipinasya ng kanilang pamilya na isiwalat sa publiko ang sakit ng kanilang ina dahil umaasa sila sa magagawa ng panalangin ng mamamayang Pilipino para sa kanyang ina.
Ayon kay Dr. Armand Crisostomo, isang colorectal surgeon at pangulo ng Philippine College of Surgeons, ang colon at rectal cancer ang pangunahing sakit na kanser na pumapatay sa maraming tao sa bansa.
Si Gng. Aquino na biyuda ng pinaslang na si dating Senador Benigno Aquino Jr. ay naluklok na presidente ng Pilipinas nang mapatalsik sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos noong taong 1986.
Umapela kahapon ang pamilya Aquino sa pamamagitan ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III sa publiko na maglaan ng panalangin at bigyan ng privacy ang kanyang ina.
Sinabi rin ng senador na desisyon ng kaniyang ina ang pagpapalabas ng statement para maunawaan ng lahat ang kasalukuyan nitong kalagayan.
Ikinuwento ni Noynoy na nakaranas ng pagtaas sa blood pressure, nahirapang huminga at nagkaroon ng lagnat ang dating presidente noong nakaraang Disyembre sa pagitan ng Pasko at Bagong Taon.
Inaasahang sisimulan ngayong Martes ang chemotherapy para kay Aquino at baka operahan din siya kinalaunan.
Ikinalungkot ng Malacañang ang balitang mayroong colon cancer si Aquino.
Ayon kay Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, nais ipahatid ni Pa ngulong Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang panalangin upang gumaling kaagad ang da ting Pangulo sa sakit nito.
- Latest
- Trending