Kasabay ng paggunita ng Semana Santa, nagbabala ang Department of Health (DOH) laban sa impeksyon at tetano na maaaring makuha sa pamamagitan ng pagpapapako at pagpepenitensya.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III dapat masusing inspeksyunin ng mga namamanata nang paglalatigo sa sarili at pagpapapako sa krus ang gagamitin nilang panghampas bago isagawa ang penitensya.
Ani Duque, maaaring magbunga ng tetanus infection ang maruming latigo at ang makalawang na pako na gagamitin.
Aniya, ang paglalatigo at pagpapapako sa krus ay nagbubunga ng malalalim na sugat at dahil matagal na panahon ito na naka-expose ay malaki ang posibilidad na magka-impeksyon ang mga ito.
Tinatayang aabot sa dalawa hanggang 14 na araw bago maramdaman ang sintomas sa sandaling makakuha ng impeksyon at maaari itong malunasan sa pamamagitan nang pagbabakuna at pag-inom ng prophylaxis.
Kabilang sa mga sintomas ng infection na mararamdaman matapos ang dalawa hanggang 14 araw ay ang paninigas ng panga, hirap na paglulon at paninigas ng mga kalamnan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nilinaw naman ni Duque na hindi nila tinataliwas ang matagal ng tradisyon ng mga Pilipino sa tuwing Mahal na Araw subalit hindi rin dapat kalimutan na ingatan at protektahan ang sarili sa masamang epekto ng pagpepenitensya.
Kasabay nito, pinayuhan din ni Duque ang mga magsasagawa ng Visita Iglesia at Via Crucis na tiyaking may sapat silang inuming tubig.
Ayon kay Duque, ito ay upang makaiwas sa pagkakaroon ng dehydration matapos ang mahabang pamamanata. (Doris Franche)