Nagpalabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) laban sa dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) agent na si Vidal Doble Jr. dahil sa kaso nitong bigamya.
Sa isang pahinang warrant of arrest order ni QCRTC Presiding Judge Rosa Samson Tatad Branch 105, ipinapaaresto nito si Doble matapos sam pahan ng kasong bigamya ng asawa nito na si Arlene Sernal Doble na nagsabing legal at umiiral pa ang kanilang kasal ng una ng muling magpakasal ito.
Sa reklamo ni Arlene, sinabi nito na nananatiling legal pa ang kanilang kasal ni Doble na may anak silang dalawa at ikinasal nitong nakalipas na Abril 27, 1991 sa Kidapawan, Cotabato City.
At nito ngang Setyembre 2007 nang makatanggap ng impormasyon ang complainant na ikinasal si Doble sa isang Jocelyn Andaya at nang beripikahin niya ito ikinasal nga ang dalawa sa Quezon City nitong nakalipas na Disyembre 8, 2000.
Naglaan naman ang korte ng piyansang P24,000 para sa pansamantalang ikalalaya ni Doble.
Nakilala si Doble matapos isiwalat nito ang kanyang nalalaman sa wiretapping operation nitong 2004 presidential election na “Hello Garci” tapes na naglalaman ng conversation nina President Arroyo at dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Kapwa naman itinanggi nina Pangulong Arroyo at Garcillano ang kanilang pagkakasangkot sa umano’y dayaan. (Angie dela Cruz)