Itinalaga kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Labor Secretary Arturo Brion bilang bagong Supreme Court Associate Justice.
Ayon kay Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye, ang itinalaga namang kapalit ni Brion sa Department of Labor and Employment bilang Acting Secretary ay si Overseas Workers Welfare Administration Administrator Marianito Roque.
Sinabi ni Bunye na punong-puno ng karanasan si Brion bukod sa pagiging magaling nitong abugado.
Ang pinalitan ni Brion ay ang nagretirong si Associate Justice Angelina Sandoval-Gutierrez habang wala pang inaanunsiyo ang Palasyo kung sino ang papalit kay Roque sa OWWA.
Nabatid na hindi lamang ang karanasan ni Brion bilang kalihim ng DOLE ang pinagbatayan dahil minsan na rin siyang naging mahistrado ng Court of Appeals.
Sa rekord, si Brion ay topnotcher sa 1974 Bar Examinations at nagtapos ng Bachelor of Laws sa Ateneo de Manila University bukod sa isa ding cum laude at class valedictorian. (Rudy Andal at Ludy Bermudo)