Total ban sa lahat ng uri ng paputok
Posibleng maging matahimik ang pagpasok ng 2009 kung tuluyang magiging batas ngayong taon ang panukalang isinusulong sa Senado na naglalayong tuluyang ipagbawal na ang paggawa, pagbebenta at paggamit ng lahat ng uri ng firecrackers o paputok sa bansa.
Sa Senate Bill 2119 na inihain ni Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. noong nakaraang Miyerkules, sinabi nito na layunin ng kanyang panukala na pangalagaan ang interes, kalusugan, at kaligtasan ng mga mamamayan na hindi pa rin napipigilang gumamit ng paputok tuwing sasapit ang Bagong Taon.
“This bill seeks to ban the manufacture, sale and use of all types of firecrackers in the highest interest of public health, public safety, order and national security,” ani Pimentel sa kanyang panukala.
Naniniwala si Pimentel na kahit pa anong gawing pag-iingat ng mga mamamayan sa paggamit ng mga firecrackers, malalagay na rin sa alanganin ang kalusugan ng mga ito dahil sa pagkalat ng mga substandard at defective ng mga paputok.
Panahon na aniya para tuluyang ipagbawal ang mga paputok dahil ang materials na ginagamit sa paggawa nito ay katulad ng mga ginagamit sa paggawa ng bomba.
Pero maaari naman umanong magtakda ang Sanggunian ng mga siyudad at munisipalidad ng isang ispisipikong lugar kung saan maaaring makapagsagawa ng pyrotechnic displays kung mayroong religious o public holidays pero hindi ito dapat tumagal ng mahigit sa dalawang araw.
Kung ganap na magiging batas, kailangang makipagtulungan sa Philippine National Police ang lahat ng mga manufacturers ng firecrackers para sa tamang disposal ng kanilang mga paputok.
Ang sinumang mahuhuli na gumagawa, nagbebenta at gumagamit ng firecrackers at mga pyrotechnics ay papatawan ng parusang Reclusion Temporal at multang hindi hihigit sa P5 milyon. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending