Hinikayat ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Undersecretary Dionisio Santiago Jr. ang mga mi yembro ng media na may impormasyon sa operasyon ng iligal na droga na umanib sa programa nilang “Private Eye” upang tuluyang malansag ang naturang kanser ng bansa.
Sinabi ni Santiago na ang media ang numero unong “James Bond” o special agent na nakakaalam ng maraming impormasyon sa galaw ng mga sindikato na hindi nalalaman maging ng kanilang pinakamagagaling na intelligence agent.
Marami na umanong kaso na nalansag nilang laboratoryo at nadakip na mga indibidwal na sangkot sa iligal na droga ang nagbuhat sa pakikipagtulungan ng mga miyembro ng media.
Bukod sa monetary reward, nangako naman si Santiago na itatago ang pagkakakilanlan at magbibigay ng seguridad sa mga mediamen o pribadong indibidwal na nais umanib sa Private Eye.
Umaabot sa P4.8 milyong halaga ng reward money ang pinakahuling ipinamigay ng PDEA sa pitong impormante nito kamakalawa.
Tumanggap ng P1.9 milyon ang impormanteng si “Magdangal” dahil sa pagkakalansag ng shabu lab sa Parañaque City; P1.5 milyon kay “Ato”; P243, 300 kay “AB”; P130,500 kay “Alvaro”; P69,200 kay “Magdangal” at P17,100 kay “Kikiam”.
Dahil sa naturang mga impormante, nagresulta ito sa pagkakadiskubre ng dalawang shabu lab, limang chemical warehouses, pagkakadakip ng 20 katao kabilang ang apat na Chinese nationals at pagkakakumpiska ng 2,639 kilo ng ephedrine at 349 kilo ng shabu. (Danilo Garcia)