Tinanggap kahapon ni Senador Panfilo Lacson ang hamon ng Malacañang na sumailalim siya sa ‘lie detector test’ pati na ang lahat na testigong hawak nito, kasama sina Joey de Venecia III, Rodolfo Noel ‘Jun’ Lozada, Dante Madriaga at Leo San Miguel, upang malaman kung sino sa mga ito ang nagsasabi ng totoo o hindi.
Pero ayon kay Lacson, sasalang lang siya sa lie test sa kondisyon na i-lie test din sina Pangulong Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo.
Ayon kay Lacson, kung pagbabatayan ang mga nangyayari ngayon, mas maraming dapat ipaliwanag ang mag-asawang Arroyo kaugnay sa malawakang korapsiyon sa bansa, lalo na ang pinag-uusapang overpricing o bukulan at tongpats sa $329 million ZTE-NBN broadband deal.
Pero hindi umano ‘admissable’ bilang ebidensiya ang magiging resulta ng lie detector test, pero dahil payag naman ang grupo nina Lozada, gayundin din siya, pabor din siyang ipagawa ito sa ‘abroad.
Bagaman at nakahanda sa lie detector test, sinabi ni Lacson na hindi dapat gawin sa PNP Crime Lab ang ‘polygraph test’ kundi sa isang independent body.
“Sabagay wala na si (ret. Gen. Restituto) Mosqueda pero kung dito rin sa loob ng bansa puwede rin maimpluwensyahan ng Malacañang kung NBI o PNP kasi experience na natin yon sa signature ni Mike Arroyo, na inako ni Iggy Arroyo,” sabi pa ni Lacson. (Malou Escudero)