Ginapang umano ng Malacanang ang pagdalo ni ZTE technical consultant Leo San Miguel sa Senate hearing kamakalawa kaya itinanggi nito ang sinasabing kickback sa kontrobersiyal na broadband deal.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, ng mag-lunch break ang Senado kamakalawa ay isang babae ang tumawag kay San Miguel at narinig umano ng mga security personnel ng Senado na may kausap si San Miguel sa kanyang cellphone at sinasabi nitong,“I will deny Ma’m” bagaman at hindi naman tahasang matukoy kung sino ang kausap ng sinasabing ‘surprise witness’ sa kabilang linya.
“Kasi alam mo nung lunch break tinabihan siya ng aming mga security personnel dun sa Senado at dinig na dinig nila may kausap siya Mam siya ng Mam eh, I will deny Mam,” ani Lacson.
Ayon pa kay Lacson, bago umano naganap ito, unang nakausap ni San Mi guel ay si Atty. Yacky Agana, nasa Presidential Legislative Liason Office (PLLO) sa Senado kung saan maya-maya aniya ay mayroon nang kausap si San Miguel at nagpahayag na “Yes, Mam idi-deny ko po”.
Nauna nang ihinayag ni Lacson kamakalawa na mayroon silang common friend ni San Miguel na naging daan upang mapaharap ito sa Senado.
Kinumpirma pa umano ng nasabing “common friend” nila na tinawagan nito si San Miguel matapos humarap sa Senado kahapon ng umaga at sinabing siya ay “under intense pressure”.
Pinagtataka rin ni Lacson kung bakit late nang dumating sa hearing si San Miguel sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng $329 milyong NBN-ZTE deal.
Kaugnay nito, hiniling ni Sen. Jamby Madrigal na isumite sa Senado ang records ng lahat na mga tinawagan ni San Miguel sa kanyang cellphone, mula sa pag-uusap nila ni Lacson hanggang sa oras ng kanyang pagtestigo.
Pero sinabi ni Lacson, hindi na ito kailangan dahil pinalitan na ni San Miguel ang kanyang sim card.
Samantala, pinag-aaralan na ng mga senador ang pagkuha ng foreign experts na magsasagawa ng lie detector test upang malaman kung sino ang nagsisinu ngaling sa mga testigong sina Joey de Venecia, Jun Lozada, Dante Madriaga at Leo San Miguel. (Malou Escudero)