ZTE execs takot mabitay sa China

Maaari umanong ma­harap sa bitay ang ilang opisyal ng ZTE Corp. ng China sakaling mapatu­na­yang nagbigay nga sila ng “advances” sa mga opisyal ng Pilipinas na nagsulong ng NBN deal.

Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na may impormasyon siya na nakiusap si Fan Yang sa witness na si Leo San Miguel na huwag sabihin o kumpirmahin ang tung­kol sa “advances” dahil posibleng maging dahilan ito ng kanyang execution sa China. Si Yang ang disbursing officer ng ZTE.

“Hindi ba sinabi ni Fan Yang na natatakot siyang ma-execute sa China,” pagtatanong ni Sen.  Lac­son na itinanggi naman ni San Miguel.

Nauna nang sinabi ng testigong si Dante Ma­driaga na nagkaroon ng $41 milyong advances ang tinatawag na “Greedy Group” kung saan kabi­lang umano si San Mi­guel. Ang $30 milyon uma­no sa nasabing ha­laga ay napunta kay Pa­ngulong Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo na ginamit naman noong 2007 presidential elections.

Pinanindigan ni San Miguel na nagsilbi lamang siyang technical adviser ng ZTE projects at wala siyang alam sa sinasa­bing suhulan.

Samantala, dumating kahapon sa bansa ang mga delegado ng Communist Party of China (CPC) upang pag-usapan ang mga isyu na namu­muo ngayon sa pagitan ng kanilang bansa at ng Pilipinas, gaya ng Spratly at ZTE-NBN deal. 

“We consider it as a small issue and it can not affect the relationship between China and the Philippines,” pagtitiyak naman ni vice minister for international department and central committee Liu Hongcai sa panayam.

Sinabi pa ni Hongcai na pumarito umano sila sa bansa upang mas lalong paigtingin ang pagiging magkaibigan at ang bilateral relationship ng China at Pilipinas. (Dagdag ulat ni Rose Tesoro)

Show comments