Justice Velasco ‘di mag-iinhibit sa kaso ni Neri
Hindi umano mag-i-inhibit si Supreme Court (SC) Associate Justice Presbitero Velasco Jr. kaugnay sa isyu ng executive privilege na inihain ni CHED Chairman Romulo Neri.
Sa ipinalabas na statement kahapon ni Velasco, inamin nito na nakalaro niya ng golf si Neri at Rodolfo Lozada subalit hindi anya tamang gawing basehan ito para mag-inhibit siya sa kaso.
Sinabi ni Velasco na nakilala niya si Neri sa isang seremonya sa Malacañang at nagkayayaan silang maglaro ng golf. Matapos ang isang buwan ay naglaro sila sa Wack-Wack golf club sa Mandaluyong kasama si Lozada, ngunit hindi umano nangangahulugan na golfmate na sila ni Neri.
Maaring ginagamit lamang umano ni Lozada ang isyung ito upang maging basehan para mag-inhibit siya sa pagboto sa kaso ng NBN-ZTE deal na inihain ni Neri sa SC.
Tiniyak naman ni Velasco na magiging patas siya tulad ng ginagawa niya sa ibang mga kaso.
Samantala, hindi pinagbigyan ng Korte ang petition ni Neri na bigyan sila ng isa pang linggo upang makapaghain ng komento kaugnay sa usapin ng executive privilege.
Sinabi ni SC spokesman Atty. Midas Marquez, itinuturing umano ng mga Mahistrado na urgent ang nasabing kaso kaya ginagawa ng mga ito na mapabilis ang desisyon. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending