Ito ang gustong malaman ngayon ng mga senador hinggil sa tunay na kontratang napasok ng pamahalaan patungkol sa ‘exploration’ sa Spratly Island na sinasabing kapalit umano ng mga uutanging proyekto ng Pilipinas sa bansang China.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, bagaman hindi niya testigo si dating Philippine National Oil Company (PNOC) president Eduardo Manalac, importante na ring makaharap ito sa gagawing pagdinig sa Senado bukas dahil bilang isang pangulo ng isang ‘government owned’ marami itong nalalaman sa mga transaksiyon sa pamahalaan. Mahalaga anya ang magiging testamento kung ano talaga ang nalalaman nito sa Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) sa China at Vietnam. Dapat aniyang maipaliwanag kung bakit pumirma si Manalac sa isang kasunduan na sinasabing ‘nilinlang’ ang Pangulong Arroyo dahil sa pag-endorso sa isang “sablay” na kontrata.
Si Manalac, bukod sa sinasabing may matibay na ko neksiyon sa Chinese government, ay kilala umanong malapit kay dating Speaker Jose de Venecia na deklaradong ‘kalaban’ naman ngayon ni Pangulong Arroyo. Sinasabing isang binagong mapa na sakop ng JMSU ang ibinigay umano kay Pangulong Arroyo ni Manalac, bukod pa sa nagbigay din ito ng kuwestiyunableng ‘advise.’ Isa umano sa pumirma sa kontrata si Manalac na ginanap noong Marso 14, 2005 sa Makati Shangri-La.
Bagaman may ‘command responsibility’ dito, dapat aniyang naging maingat ang mga nakapaligid kay Pangulong Arroyo para iendorso ang kontrata dahil kung walang nagbuyo, tiyak na ibabasura na lamang ito.
Isang source ang nagsabi na sinamahan ni Manalac ang mga Vietnamese at Chinese delegates sa Makanyang para sa signing ceremony para ipakita ang kontrata sa nasabi ring araw. Sa tagpo rin ito umano gumawa ng speech si Manalac para kay Pangulong Arroyo na nagsabing: ‘the area of potential conflict turning it into area of mutual cooperation.’ (Butch Quejada/Rudy Andal)