Isang panukalang batas ang isinusulong ngayon sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na naglalayong amiyendahan ang article 341 ng Revised Penal Code upang matanggal na ang criminal liability ng mga taong nagiging biktima ng prostitusyon.
Sa Senate Bill 2006 na inihain ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, ipinaliwanag nito na dapat ikonsidera na biktima ng sitwasyon ang mga nasasadlak sa prostitusyon at hindi mga kriminal.
Hindi na aniya napapanahon ang batas kaugnay sa prostitusyon kung saan ikinokonsiderang criminal ang mga kababaihang nasasadlak sa prostitusyon.
Kabilang ang prostitusyon sa mga probisyon ng anti-vagrancy law at dahil mahirap patunayan ang kasong prostitusyon kaya kalimitang vagrancy charges ang ikinakaso sa mga nahuhuli.
Hindi aniya dapat hulihin ng pulis ang mga walang trabaho na nahuli lamang nakatayo sa isang kanto at pinaniniwalaang sangkot sa prostitusyon dahil bigo ang gobyerno na makapagbigay ng trabaho lalo na sa mga mahihirap.
“Huhulihin ka ng pulis pag wala kang trabaho. Aba’y teka muna ginagawa ba ng pamahalaan ang kanyang trabaho na magbigay ng trabaho sa kanyang mga kababayan?” ani Escudero.
Sa panukala ni Escudero, ang maaari lamang managot ay ang mga bugaw at ang mga customer kung saan ipapataw ang parusang “reclusion temporal.” (Malou Escudero)