Takdang “gisahin” ng mga senador si dating Senate President Franklin Drilon upang malaman ang hawak nitong impormasyon kaugnay sa Spratly deal.
Ito’y matapos ibinun yag ni Drilon na hiningi umano ni Ombudsman Merceditas Guttierez ang kanyang tulong sa planong Spratly’s deal sa pagitan ng Pilipinas at China bago ito lagdaan noong Setyembre 2004.
Pinilit umano ni dating Speaker Jose de Venecia si Guttierez na aprubahan ang kasunduan,
Inamin naman ni de Venecia na pabor siya sa kasunduan pero itinangging pinilit niya na aprubahan ito.
Sa opinyon umano ni Gutierrez, may paglabag sa Saligang Batas ang kasunduan na mag-explore ang China sa resources na sakop ng Pilipinas at sinasabing ito’y grounds para ma-impeach si Pangulong Gloria Arroyo.
Gusto ng liderato ng Senado na sa lalong madaling panahon ay mabuksan ang imbestigasyon sa mga resolusyong inihain nina Senators Antonio Trillanes, Ping Lacson at Jamby Madrigal na pinaghihinalaang isang pre-condition ito ng China kapalit ang mga loan agreements katulad ng ZTE-NBN, South at Nothrail projects.
Naniniwala ang mga senador na marami pang nalalaman si Drilon na dating ka-alyado ni Pangulong Arroyo.
Kaugnay nito, ibinunyag naman ni Senate Majority Leader Francis Pangilinan na uulan ng official development assistance (ODA) sa Pilipinas kada-taon hanggang sa year 2010 makaraang malagdaan ang Spartly deal.
Sa ilalim umano ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina committed umano ito na magbigay ng dalawang bilyong dolyar sa Pilipinas kada-taon.
Dahil dito, iginiit ni Pangilinan ang masusing imbestigasyon kung may katotohanang kapalit ng Chinese loans at suhulan ay ang oil at gas exploration sa Spartly islands.
Hinamon naman ng Malacanang si Drilon na dalhin sa Korte ang pagkuwestyon nila sa Joint Marine Seismic Undertaking sa pagitan ng Pilipinas, Vietnam at China sa South China sea.
Sinabi ni Cabinet Secretary Ricardo Saludo, bilang isang dating kalihim din ng Department of Justice bukod sa pagiging de-kalibreng abugado ay batid ni Drilon ang validity ng isang kasunduan.
Ayon pa kay Saludo, hindi naman batayan ang “tsismis” upang maging basehan ng kanilang mga alegasyon bagkus ay mas makakabuting iharap nila ang usapin sa Korte Suprema.
Sa panig naman ni DFA Secretary Alberto Romulo, nilinaw nito na hindi labag sa Konstitusyon ang JMSU at consistent din ito sa 2002 ASEAN-China declaration on the Conduct of Parties sa South China Sea.
Nilinaw din ni Romulo na hindi regalo ang pinasok na kasunduan ng RP sa China para sa Spratly kapalit ng China loans at investments sa bansa.