Iginiit kahapon ng Malacañang na buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Arroyo sa pinuno ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na si Undersecretary Antonio Villar Jr.
Ginawa nina Deputy Presidential Spokespersons Anthony Golez at Lorelei Fajardo ang pahayag kaugnay sa planong pagbibitiw ni Usec. Villar bilang PASG chief dahil sa kritisismo dito nina Zambales Rep. Ma. Milagros Magsaysay at Albay Rep. Al Francis Bicharra.
“Undersecretary Villar enjoys the confidence of the President. His unwavering fight against smuggling has tremendously impacted on these lawful practices of some of our traders,” wika pa ni Usec. Fajardo.
Sinabi naman ni Usec. Golez, umugong ang balitang magbibitiw si Villar bilang PASG chief subalit wala pang natatanggap na formal resignation letter ang Palasyo.
Ayon kay Villar, plano niyang magbitiw bilang PASG chief dahil sa ginagawang harassment sa kanya ng dalawang kongresista na nagbanta pang ipaaresto siya dahil sa hindi niya pagsipot sa pagdinig ng Kamara kaugnay sa car smuggling activities sa Cebu na iniimbestigahan ng House committee on good government.
“I don’t want to add to the President’s problem, she has enough problems. I think it will be best if I resigned and kept silent so that they can do what they want,” wika pa ni Villar.
“Binababoy nila ang mga tao ko, hindi naman tama yun porke mga congressman sila. Huwag nilang bababuyin ang mga tauhan ko,” dagdag pa ng PASG chief.
Sinabi ni Villar, na may mga ginagamit silang asset na dating kasamahan ng mga smuggler kaya naman walang hinto ang kanilang huli dahil dito.
“Kailangan ang isang magnanakaw para makahuli ka ng magnanakaw,” ani Villar.
Wika pa ni Villar, sangkaterba ang kanilang nahuli simula ng manungkulan siya sa PASG at ito aniya ay kinasuhan nila sa korte at nagbayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Hiniling nina Rep. Magsaysay at Rep. Bichara sa pamamagitan ng isang resolusyon sa Kamara na buwagin na lamang ang PASG.
Pinag-initan si Villar ni Bicharra matapos matukoy na ang apat na luxury cars na kabilang sa 81 smuggled cars na nakumpiska ng PASG sa Auto Sports 21 sa Makati City noong nakaraang taon ay pag-aari ng kongresista.
Nanawagan naman si Magsaysay na buwagin ang PASG makaraang pagbintangan ang kanilang pamilya na nasa likod umano ng car smuggling sa Subic. (Rudy Andal/Butch Quejada)