Dahil sa ZTE: Krimen bumaba, rali tumaas
Bumaba umano ang krimen sa Metro Manila, samantalang tumaas naman ang kaso ng kaliwa’t kanang kilos-protesta laban sa pamahalaan kaugnay ng NBN-ZTE deal sa loob lamang ng dalawang buwan ng taong kasalukuyan.
Sa kalatas na inilabas kahapon ni National Capital Region Office (NCRPO) chief Dir. Geary Barias na mula noong January-February 2008 ay may naitala lamang na 2,961 kriminalidad na hindi hamak na bumaba ng 11.57 porsiyento kumpara sa 3,337 noong January-February 2007, habang ang street crimes ay umabot lamang ng 510 kumpara sa 540 na bumaba naman ng 7 porsiyento.
At kung noong January-February 2007 ay nakapagtala lamang ang pulisya ng 80 kilos-protesta o demonstrasyon sa mga lansangan ng MM, ngayon ay nakapagtala na sila ng 128 rallies sa loob lamang ng January-February 2008.
Nilinaw ni Barias na bagaman ang nakalipas na dalawang buwan ay aabot lamang sa 59 araw ay may mga pagkakataon na tatlo hanggang limang kilos protesta ang binabantayan ng NCRPO operatives na ipinakalat sa mga rally sites.
Inihayag nito na pinaka-krusyal ang tatlong pinakamalaking rally na ikinasa ng anti-government groups nitong nakalipas na Enero 22 sa paggunita ng ika-22 anibersaryo ng Mendiola massacre, Pebrero 15 at Pebrero 29 rally sa Makati City upang isigaw ang pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Arroyo.
Nangunguna sa street crimes ang robbery, pangalawa ang theft, physical injury, estafa at swindling.
Pinakamataas ang naitala sa MPD, 204; Northern Police District, 56 at Eastern Police District, 39. (Rose Tesoro/Joy Cantos)
- Latest
- Trending