Inalis na ng Court of Appeals (CA) si Pangulong Arroyo bilang respondent sa inihaing petition na writ of amparo ni Rodolfo Lozada.
Sa 7-pahinang resolution na inilabas ni Associate Justice Celia Librea-Leagogo, si Arroyo ay mayroong immunity bilang Pangulo mula sa mga kasong civil at criminal kaya’t hindi ito maaring kasuhan.
Muling dininig ang petition ni Lozada kahapon kung saan ang kapatid nitong si Carmen ang siyang sumalang sa witness stand. Pinalabas naman ng Mahistrado si Lozada upang hindi umano nito marinig ang testimonya ng kanyang kapatid.
Matatandaan na humiling ang mga kamag-anak ni Lozada ng protection order sa CA dahil sa umano’y natatanggap nilang death threats.
Subalit sinabi naman ni Assistant Solicitor General Amparo Tan, abogado ng pamahalaan na hindi kapanipaniwala na nasa panganib ang buhay ni Lozada dahil sa araw-araw itong pumupunta sa mga matataong lugar at nakakapagsalita pa laban sa pamahalaan. (Gemma Amargo-Garcia)