Abogado ni Lozada, 3 reporter nadukutan ng cellphone
Nadukutan ng cellphone ang tatlong reporter at abogado ng kontrobersiyal na ZTE deal witness na si Rodolfo Nole Lozada Jr., habang dumadalo sa candle lighting ceremony sa simbahan ng Sto. Nino sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Sa reklamong inihain kay SPO4 Roberto Jimenez ng Manila Police District-Station, nadukutan sina Michael Fajatin, TV reporter ng GMA news, na nawalan ng cellular phones na nagkakahalaga ng PP55,000; ABS-CBN reporter Jose Maria Villarama II, na nadukutan ng tig-P30,000 halaga ng cellphone; Dennis Datu, radio reporter ng DZMM-ABS-CBN, na nawalan din ng cellphone.
Bukod sa tatlo, natangayan din ng cellphone si Atty. Reynaldo Princesa na naroon din sa candle lighting event.
Ani MPD Station 2 chief, P/Supt. Mario Espino, madali umanong makagawa ng pandurukot sa nasabing pagtitipon dahil dinagsa ng mga tao ang organisadong misa para sa katotohanan na inialay kay Lozada.
Nabatid naman sa ilang source na maaaring maibalik ang mga cellphones dahil may sindikato ng mga mandurukot na nasasakupan ng MPD-Station 2, na sinasabing hawak ng isang alyas “Popoy” na kakilala rin umano ng mga pulis na nakatalaga doon. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending