FG na-high blood kay Madriaga

Tumaas ang blood pressure ni First Gentleman Mike Arroyo kasunod ng bintang ng bagong witness ng Senado na si Dante Madriaga na nangumisyon umano ng malaking halaga ang First Couple mula sa ZTE para sa NBN project.

Bunsod nito ay nakiusap si Presidential Son at Pampanga Rep. Mikey Arroyo kay Madriaga na itigil na nito ang kanyang mga kasinungalingan at huwag idamay ang kanilang pamilya sa nasabing kontrobersya.

Ani Rep. Arroyo, kung wala namang maihaharap na ebidensiya si Madriaga upang suportahan ang kanyang mga akusasyon ay mas makakabuting ihinto na lamang nito ang kanyang mga “litanya” ng kasinungalingan. 

Wika pa ni Mikey, nakakasama sa kalusugan ng kan­yang ama ang mga malisyosong akusasyon ni Madriaga na pawang kasinungalingan lamang. 

Kahapon ay nagtungo sa St. Luke’s Medical Center ang Unang Ginoo para magpacheck-up.

Gayunman, sinabi ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni FG na wala namang dapat na ipangamba ang publiko sa pagpapaospital ni FG. (Rudy Andal/Angie dela Cruz)

Show comments