Kailangan umanong maintindihan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi madaling ibasura ang Executive Order 464.
Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, ang pag-abolish sa EO 464 ay nangangailangan ng masusing pag-aaral dahil sa mayroong batas na kailangan ikonsidera bago sila magdesisyon.
Sinabi pa ng Kalihim na kailangang maunawaan ng CBCP na mayroon silang mga parameters na ikinukunsidera tulad ng mga impormasyon na kailangan ng confidentiality tulad ng trade secrets at may kaugnayan sa seguridad ng bansa.
Iginiit pa ni Gonzalez na maging ang Supreme Court (SC) ay kinilala ang E) 464 sa kanilang naging desisyon dito noong 2006 kung saan nakasaad na sakop nito ang first level officials ng gobyerno.
Idinagdag pa nito na ang pagbubunyag ng sekreto ng isang public official ay mayroon ding kaparusahan base sa ilalim ng Revised penal Code.
Nilinaw pa nito ang paglaban naman sa korupsyon ang pangunahing agenda ng Arroyo government at hindi umano pinagbabawalan ng Pangulo ang kanyang mga opisyal na dumalo sa legislative inquiries subalit kapuna-puna umano na ang mga mambabatas ay minsan lumalampas sa kanilang kapangyarihan sa pagtatanong sa mga opisyal ng gobyerno.
Dahil dito kayat pinaalalahanan ng Kalihim ang mga mambabatas na igalang ang mga taong kanilang iniimbeta sa Senado.
Samantala, bumuo na kahapon ng legal team si Pangulong Arroyo upang pag-aralan ang rekomendasyon ng CBCP kaugnay sa EO 464.
Sinabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita na ang legal team ay kinabibilangan nina DOJ Sec. Gonzalez, Chief Presidential Legal Counsel Sergio Apostol, Solicitor-General Agnes Devanadera, deputy executive secretary for legal affairs at pinuno ng Governmental Corporate Counsel. (Gemma Amargo-Garcia/Rudy Andal)