Pardon ni Erap babawiin

Pag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang pagbawi ng pardon kay dating Pangulong Joseph Estrada dahilan sa pagta­wag umano nito kay Pa­ngu­long Arroyo na “illegitimate president.”

Ayon kay Justice Un­dersecretary Ricardo Blan­caflor, ang pahayag na ito ni Estrada ay na­kapag­lalagay sa alanga­nin sa conditional pardon na ipi­nagkaloob sa kan­ya ng Malacañang.

Sinabi ni Blancaflor na kung sa tingin ni Estrada ay hindi lehitimo ang gobyer­nong Arroyo, na­nganga­hulugan lamang ito na ang pardon na ibinigay sa kaniya ay illegal din.

“The President cannot be illegitimate because his (Estrada) pardon would be the same,” ayon kay Blan­caflor.

Ayon kay Blancaflor, dapat mag-ingat-ingat si Estrada sa kaniyang mga sinasabi dahil posibleng sa kaniya din ito bumalik. 

Aniya, tinanggap ni Estrada ang ibinigay na “conditional pardon” dito ni Pangulong Arroyo ma­tapos siyang hatulan ng Sandiganbayan para sa plunder case nito.

Ipinaliwanag pa ng opisyal, maliwanag na nakasaad sa pardon ni Erap ang dalawang kon­disyon na pagbabayad nito ng multang itinakda ng korte at ang hindi na pag­takbo sa anumang public office.

Idinagdag pa ni Blan­ca­flor, hindi maituturing na absolute pardon ang ibi­nigay kay Erap dahil may­roong kaakibat itong mga kondisyon bagama’t naiba­lik sa kanya ang civil at political rights.

“Hindi naman puwe­deng abusuhin ni Erap ang ibinalik sa kanyang civil at political rights tulad ng freedom of expression dahil mayroong limitasyon ito na hindi dapat lumabag sa framework ng batas. Ang naibalik sa kanya ay maka­boto pero hindi siya puwe­deng tumakbo kaya nana­natiling conditional pardon ito na puwedeng bawiin kapag may nilabag siya,” paglilinaw pa ng DOJ official.

Pinayuhan din ni Blan­caflor si Erap na mas makakabuting kumon­sulta sa abugado bago ito magbitaw ng mga paha­yag na posibleng maka­apekto sa kanyang conditional pardon.  

Matatandaan na una nang hinikayat ni Estrada ang military na magkaisa at makisali na rin sa panghihi­kayat sa pagpa­patalsik kay Pangulong Arroyo.

Show comments