Pardon ni Erap babawiin
Pag-aaralan ng Department of Justice (DOJ) ang pagbawi ng pardon kay dating Pangulong Joseph Estrada dahilan sa pagtawag umano nito kay Pangulong Arroyo na “illegitimate president.”
Ayon kay Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor, ang pahayag na ito ni Estrada ay nakapaglalagay sa alanganin sa conditional pardon na ipinagkaloob sa kanya ng Malacañang.
Sinabi ni Blancaflor na kung sa tingin ni Estrada ay hindi lehitimo ang gobyernong Arroyo, nangangahulugan lamang ito na ang pardon na ibinigay sa kaniya ay illegal din.
“The President cannot be illegitimate because his (Estrada) pardon would be the same,” ayon kay Blancaflor.
Ayon kay Blancaflor, dapat mag-ingat-ingat si Estrada sa kaniyang mga sinasabi dahil posibleng sa kaniya din ito bumalik.
Aniya, tinanggap ni Estrada ang ibinigay na “conditional pardon” dito ni Pangulong Arroyo matapos siyang hatulan ng Sandiganbayan para sa plunder case nito.
Ipinaliwanag pa ng opisyal, maliwanag na nakasaad sa pardon ni Erap ang dalawang kondisyon na pagbabayad nito ng multang itinakda ng korte at ang hindi na pagtakbo sa anumang public office.
Idinagdag pa ni Blancaflor, hindi maituturing na absolute pardon ang ibinigay kay Erap dahil mayroong kaakibat itong mga kondisyon bagama’t naibalik sa kanya ang civil at political rights.
“Hindi naman puwedeng abusuhin ni Erap ang ibinalik sa kanyang civil at political rights tulad ng freedom of expression dahil mayroong limitasyon ito na hindi dapat lumabag sa framework ng batas. Ang naibalik sa kanya ay makaboto pero hindi siya puwedeng tumakbo kaya nananatiling conditional pardon ito na puwedeng bawiin kapag may nilabag siya,” paglilinaw pa ng DOJ official.
Pinayuhan din ni Blancaflor si Erap na mas makakabuting kumonsulta sa abugado bago ito magbitaw ng mga pahayag na posibleng makaapekto sa kanyang conditional pardon.
Matatandaan na una nang hinikayat ni Estrada ang military na magkaisa at makisali na rin sa panghihikayat sa pagpapatalsik kay Pangulong Arroyo.
- Latest
- Trending