Nananawagan ang ilang mga grupo ng doktor at relihiyoso sa mamamayan na magkapitbisig sa pagkamit ng kapayapaan at tunay na pagkakaisa sa gitna ng krisis pampulitika na kinahaharap ng administrasyong Arroyo sanhi ng sunud-sunod na eskandalo.
Isinagawa ng mga opisyal at miyembro ng Philippine Medical Association at Heal the Nation Interfair Council ang panawagan sa NewsStand breakfast forum sa Ambassador Hotel Manila kamakailan.
Tinukoy nila na ang bansa ay maihahambing sa isang may sakit na nara ratay sa karamdaman ng kahirapan, katiwalian, terorismo at pagkakahiwalay subalit tulad din ng isang tahanang inaanay ay hindi dapat sunugin kundi kailangang linisin sa pesteng sumisira.
“Nakikita namin na hindi tayo makakaasa sa ating mga lider sa pulitika upang sila ang magsimula sa pagpapagaling sa ating bansa dahil sila mismo ay hiwa-hiwalay sa kanilang paniniwala at pag-iisip. Matagal na tayong naghihirap dahil sa ating kawalang-bahala at ’di-pagkilos bilang mga mamamayang nagmamahal sa ating bayan,” pinunto ni Philippine Medical Association vice president Rey Melchor Santos, M.D.
Sa kabilang dako, nagpahayag naman ng pag-asa si Patriarch Florentino Teruel ng Apostolic Catholic Church at spokesman ng Heal the Nation Interfaith Council na ang kanilang grupo ay magiging mahalagang ehemplo para sa ibang mga sektor ng lipunan sa pagpupunyagi na isama nila ang kanilang boses sa panawagan para sa pagbabago at pagkakaisa.
Magsasagawa ngayong araw na ito ang PMA kasama ang HTNIC ng libreng medical mission para sa kapayapaan at pagkakaisa sa harap ng Manila Broadcasting Company-DZRH radio station sa Cultural Center of the Philippines Compex, Pasay City mula alas-6 ng umaga hanggang hapon.