Ibinunyag kahapon ni Presidential Anti-Smuggling Group chief Antonio Villar Jr. na mismong si dating House Speaker Jose de Venecia ang naging padrino ng isang oil smuggler sa Subic Freeport.
Ayon kay Undersecretary Villar, noong Hunyo ng nakaraang taon ay inimbitahan siya ni JDV sa ba hay nito para sa isang breakfast meeting noong Hunyo 2007 at doon ay inilatag nito ang alok na pumayag na daw siya sa compromise deal at huwag nang kasuhan ang Oil Link Corp. na pag-aari ni Paul Co.
Ipinagmalaki pa raw ni JDV na batid na din daw ni Finance Secretary Margarito Teves ang tungkol sa compromise deal kapalit ng hindi pagsasampa ng kasong oil smuggling kay Co.
Wika pa ni Villar, ang compromise deal na inaalok ni JDV ay ang pagbabayad na lamang ng P500 milyon ng Oil Link kapalit ng hindi na pagsasampa ng kasong technical smuggling at iba pang kaso. (Rudy Andal)