Minaliit ng Malacañang ang posibilidad na mag karoon ng panibagong People Power upang mapatalsik sa poder si Pangulong Arroyo.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, kulang ang elemento na susuporta para sa panibagong People Power tulad na rin ng paglalarawan ni dating Pangulong Ramos.
Wika pa ni Sec. Ermita, malaya naman ang sinuman na manawagan ng kanilang paniniwala tulad ni CBCP president Archbishop Angel Lagdameo.
“Naniniwala kami na the conditions, as well as the reasons for a people power are not present,” dagdag pa ni executive secretary.
Sinabi ni Ermita, ang panawagan ni Archbishop Lagdameo ay hindi naman nangangahulugan na ito rin ang paniniwala ng 81 obispo, 14 arsobispo at 2 kardinal ng simbahan.
“They cannot claim na sila lang ang nagluklok kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong EDSA 2,” dagdag ni Ermita.
Idinagdag pa ni Ermita, walang plano ang Palasyo na kasuhan ng sedition ang simbahan dahil sa ginawa nitong mga panawagan dahil karapatan naman ng sinuman na ihayag ang kanyang pagkadismaya o kanyang paniniwala. (Rudy Andal)