Dagdag na P2,000 pension sa mga retiradong pulis-Maynila

Makakatanggap pa ng karagdagang P2,000 ang mga pamilya ng mga retiradong pulis ng Manila Police District (MPD) bilang tulong sa pagbibigay serbisyo sa publiko.

Ayon kay Manila Mayor Alfredo Lim, karapat-dapat lamang umanong dagdagan ang pension na nata­tanggap ng mga pulis dahil nasa panganib ang kanilang buhay nang sila ay nasa serbisyo pa.

Sinabi ni Lim na ang mga pulis ang isa sa mga tauhan ng pamahalaan na dapat na matanggap ng karapat-dapat na pagpapahalaga at pagkilala sa kanilang nagagawa para sa bayan lalo pa’t ang mga ito ang siyang  nagpapanatili ng peace and order ng lungsod ng Maynila.

Binigyan diin ni Lim na maging siya ay dumanas ng mga hirap na dinaranas din ng mga pulis na hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala subalit naging daan niya upang lalong magsikap.

Sinuportahan naman ng mga konsehal na sina Joel Chua at Manuel Zarcal ang ordinansa kung saan ilalaan ang P20 milyon pondo para rito. (Doris Franche)

Show comments