Senado neutral sa ‘GMA resign!’
Upang mapanatiling “neutral” ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso, sinigurado ni Senate President Manny Villar na hindi nito susuportahan ang panawagang patalsikin sa Malacañang si Pangulong Arroyo.
Ginawa ni Villar ang reaksiyon sa gitna ng mga panawagan ng ibat-ibang sektor na bumaba na sa puwesto ang Pangulo matapos masangkot sa maanomalyang NBN-ZTE deal.
Sinabi ni Villar na bilang pangulo ng Senado, mas makakabuti para sa kanilang mga senador na panatilihin na walang bahid pulitika ang mga nagaganap na imbestigasyon sa Senado na nagdadawit ng mga malalaking tao sa pamahalaan.
Ikinatuwiran pa nito na ginagampanan lamang ng mga senador ang kanilang tungkulin na mag-imbestiga, tulad ng kanilang isinasagawang imbestigasyon sa NBN-ZTE.
Iginiit rin ng senador na hindi ito magpapaka-aktibo sa isinusulong ni dating House Speaker Jose De Venecia na Moral Revolution laban sa administrasyong Arroyo.
Nauna rito, nagpahayag na rin si Sen. Loren Legarda na mas gugustuhin na lamang nito na manatili sa pwesto si Pangulong Arroyo, kung si Vice Pres. Noli de Castro lamang ang papalit sa pangulo.
Ayon kay Legarda, si de Castro ay nanalo lamang dahil sa pagmamanipula ng mga elections returns kaya’t igigiit nito na huwad na nanalo itong si de Castro at hindi nararapat na pumalit sa Pangulo.
- Latest
- Trending