Naalarma ang Estados Unidos sa nadiskubre ng security forces sa plano ng Jemaah Islamiyah terrorist at mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na patayin si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
“Dapat itong ikabahala. Dapat maging mapagmatyag ang puwersang panseguridad ng Pilipinas at ang mamamayang Pilipino,” sabi ng tagapagsalita ng embahada na si Rebecca Thompson.
Sa isang ambush interview sa pagbubukas kahapon ng ika-24 serye ng RP-US Balikatan exercises sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Thompson na ang Pilipinas ay isa sa mga kapanalig ng Estados Unidos sa kampanya laban sa pandaigdigang banta ng terorismo.
Ayon kay Thompson, patuloy ang kanilang monitoring sa galaw ng JI terrorist na sinasabing kinakanlong ng mga rebelde sa Mindanao. (Joy Cantos)