Inakusahan kahapon ni Presidential Anti-Smuggling Group chief Undersecretary Antonio Villar Jr. ang ilang kongresista na ginagamit ang kanilang posisyon para proteksyunan ang kanilang pansariling interes.
Ayon kay Usec. Villar, isang malinaw na demolisyon ang ginagawa nina Zambales Rep. Ma. Milagros Magsaysay at Albay Rep. Al Francis Bichara na nagsusulong upang buwagin ang PASG.
“Well I have bad news for them. I will never back out in telling the public why they want me out of the scene,” wika pa ni Villar.
Idinagdag pa ng PASG chief, posibleng nangangamba si Rep. Magsaysay na mabulabog ang kanilang “negosyo” matapos mapasailalim sa PASG ang pamamahala sa Task Force Subic.
Naapektuhan naman si Rep. Bichara nang mapabilang ang kanyang 3 luxury vehicles sa 81 sasakyang kinumpiska ng PASG sa Auto Sports 24 sa Makati City noong nakaraang taon kung saan ay hindi pa nare-release ang kanyang sasakyan dahil sa pagkabigong magpakita ng mga dokumento.
“I cannot understand why these congressmen are very eager to abolish PASG where in fact we have a lot of accomplishments and contributions to the govern ment’s campaign to curb smuggling,” wika pa ni Villar.
Napag-alaman ng PASG na pag-aari ni Bichara ang 2 Grand Cherokee, isang Volvo at Jaguar na kabilang sa nakumpiska ng PASG sa Auto Sports 24 sa Makati City noong nakaraang December 14.
Wika pa ni Villar, narehistro lamang sa pangalan ni Bichara ang Grand Cherokee 3 araw matapos ang isinagawang raid ng PASG sa Auto Sports 24 at batay sa certificate of registration nito sa Land Transportation Office ay 2006 model ang Cherokee ngunit 1995 model naman ang nakasulat sa kanyang certificate of payment kung saan ay P15,616 lamang ang binayarang buwis.
Iginiit pa ni Villar, ang Jaguar SI model 2001 ni Bichara ay naipasok sa bansa na hindi nagbabayad ng duties dahil sa katwiran ng mambabatas na exempted daw ito sa duties at taxes dahil sa may kara patan siyang magpasok ng sasakyan sa bansa bilang isang dating ambassador ng Pilipinas sa Lebanon subalit bigo naman ang mambabatas na magpakita ng import entry gayundin ang certificate of tax exemption habang iniimbestigahan pa rin ng PASG ang Volvo S80 model 2000. (Rudy Andal/Butch Quejada)