Hindi na aapela ang pamilyang nagmamay-ari ng Green Cross Inc. sa desisyon ng Department of Justice (DOJ) na nag-aakusa sa kanila ng estafa dahil mas pinaboran ng DOJ ang complainant na si Co It kaysa sa mga contrary documentary evidence na iprinisinta nila.
Sa isinumiteng manifestation sa DOJ, sinabi ni Atty. Estelito Mendoza, abogado ng pamilya Co sa pamumuno ni Anthony Co, na hindi naaayon sa ebidensiya ang resolution ng DOJ at hindi rin naaayon sa batas ang conclusion nito.
Idinagdag pa ni Mendoza na lalabanan na lang ng pamilya ang findings ng DOJ sa korte.
Sinabi pa ni Mendoza na iprinisinta nila sa DOJ ang mga dokumentong nilagdaan ni Co It kabilang ang unti-unting pagbebenta nito ng kanyang shares mula 1971 hanggang 1986; dokumentong nagpapatunay na alam ni Co It ang paglilipat ng shares sa kanyang mga kapatid noong 1970s at 1980s at dokumentong nilagdaan niya, ng kanyang mga anak at kanilang abogado noong 2001 na nagsasabing ang kanyang mga kapatid at kanilang anak ang tunay na may-ari ng GCI at iba pa.