Misis ni Joker nakaladkad sa NBN

Maging ang  maybahay ni Sen. Joker Arroyo na si Atty. Alicia Arroyo ay nakaladkad kahapon sa kontrobersiyal na ZTE-NBN deal matapos ibunyag ni Rodolfo Noel Lozada Jr. na nagtungo rin siya sa bahay ng senador.

Bagaman at hindi sinasadya, nabunyag na tinangka rin ng asawa ni Arroyo na kausapin si Lozada nang aku­sahan siya ng senador na “namimili” lamang ng kausap.

Ipinahiwatig ni Arroyo na  namimili lamang ng kaka­usapin si Lozada at pinapaboran nito si Sen. Panfilo Lacson.

Pero sinabi ni Lozada na marami ang gustong kumausap sa kanya at maging ang asawa ni Arroyo ay nakausap niya sa mismong bahay nila.

Sinabi pa ni Lozada na isang Tony Abaya ang nagpakilala sa kanya sa asawa ng senador kasabay ang paglalarawan sa bahay at library nito.

Ikinagalit naman ni Arroyo ang pagkakabanggit sa kanyang asawa at sinabi nitong, “don’t mess around with my wife”, kasabay ang pagduro kay Lozada.

Naging emosyonal naman si Lozada na muli na namang napaiyak at sinabing idol pa niya si Arroyo. (Malou Escudero)

Show comments