Blacklisted o bawal nang makapasok sa ban sa ang isang American couple matapos mahatulan ang mga ito ng US court dahil sa pagtratong parang aso sa Pinay domestic helper sa Los Angeles, California.
Nabatid kay Immigration Commissioner Marcelino Libanan na napatunayang nagkasala sina James Jackson, 53, isang top Hollywood laywer at asawang si Elizabeth, 54 ng pagmamaltrato sa Pinay na si Nena Ruiz, dating school teacher.
Nakapaloob sa kautusan ng korte na pagmultahin ang mag-asawa ng halagang $825,000 o P33.5 milyon bilang damages sa nasabing Pinay.
Nag-plead ng guilty sa kasong forced labor si Elizabeth sa pagtrato ng mas masahol pa sa aso kay Ruiz kaya hinatulan ito ng 3 taong pagkabilanggo.
Inatasan din ng korte si James Jackson, dating vice president ng legal affairs ng Sony Pictures, na gumawa ng 200 oras na community service at pinagbabayad ng $5,000 multa matapos aminin nito ang kasong harbouring an illegal alien.
Sa testimonya ni Ruiz, habang naglilinis at pina pakain ng fresh food ang mga alagang hayop ng mag-asawang Jackson ay hindi naman siya pinapakain sa loob ng tatlong araw.
Sapilitan din siyang pinatutulog sa tulugan ng aso at pinagtatrabaho ng 18 oras kada araw. At kahit tapos nang makapagtrabaho ng pitong buwan sa mga Jackson ay binayaran lamang siya ng halagang $300.
Aniya, tinakot din siya ng mag-asawa na ibibigay siya sa US immigration bureau kung tatangkain nitong tumakas.
Sa hiwalay na kasong sibil, sinampahan din ng kaso ni Ruiz si Elizabeth dahil sa madalas na pananampal at pananabunot umano sa kanya ng amo.
Iginiit ni Libanan na ang pag-ban sa mag-asawang Jackson ay upang maipakita sa buong mundo na kailangang tratuhin ng makatao ang lahat ng mga OFW na nagbibigay ng serbisyo sa kanilang foreign employer. (Ellen Fernando)