Pinabubusisi ng Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng accredited private emission test centers na nag-ooperate sa bansa upang malaman kung sino sa mga ito ang nag-iisyu ng emission test certificates sa mga sasakyan na hindi naman idinaan sa actual emission test.
Ayon kay LTO Chief Alberto Suansing, nakatanggap sila ng reklamo na ilang One-lane PETCs ay nakapag-iisyu ng mahigit sa 100 smoke test sa isang araw para sa mga gasoline at diesel vehicles gayung alinsunod sa batas, ang One lane Petcs ay dapat mag-isyu lamang ng 80-100 smoke test sa isang araw.
“There is something really wrong with the operation of some testing centers and something must be done,” dagdag ni Suansing.
Isa sa emission test centers na nasa “watch list “ ng LTO ay ang EnviroGuard Technologies Corp. sa East Avenue na nakapag-iisyu umano ng smoke test ng mahigit 300 isang araw pagpasok pa lamang ng Enero ng taong ito.
Inamin naman ni Oliver Villanueva, supervisor ng EnviroGuard, na noong nakaraang buwan ay nakapag-isyu sila ng may 300 smoke test dahil ang Enero ay peak season.
Masusi ring sinusubaybayan ng LTO ang Dataprobe sa Bluementritt at Auto Source sa East Avenue, QC.
Dahil sa matinding kumpetisyon, ilang Petc ang nagsasagawa ng non-appearance para mas malaki ang kita.