JDV palaban na!
Mistulang nagdeklara ng giyera si House of Representatives Speaker Jose de Venecia laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang sabihin niya sa kanyang talumpati sa plenaryo ng mababang kapulungan kagabi na ang dahilan ng hakbang na patalsikin siya sa puwesto ay ang pagbubunyag ng anak niyang si Joey III sa maanomalyang kontrata ng pamahalaan at ng ZTE Corp. ng China sa National Broadband Project.
Kasabay nito, bilang sagot sa motion ni Palawan Congressman Abraham Mitra, hiningi ni de Venecia ang pagbakante sa lahat ng posisyon sa mababang kapulungan.
Sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso kahapon din, naghain si Mita ng motion na ideklarang bakante ang posisyon ng Speaker ng kamara.
Bago nagsesyon ang Kongreso, nagkasundo sa isang caucus ang ruling coalition na ipagpaliban ang botohan sa pag pili ng bagong Speaker upang bigyan ng tsansa si de Venecia na kumonsulta sa kanyang mga tagasuporta sa pag-asang manatili pa ang kanyang liderato.
Gayunman, sa isang kahiwalay na pulong sa Luk Fu Restaurant, lumagda ang may 169 kongresista sa isang manifesto na sumusuporta sa pagtatalaga kay House Majority Floor Leader Prospero Nograles bilang bagong Speaker.
Sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye sa isang media briefing sa Malacanang matapos ang coalition caucus sa Malacanang Park na handa na si de Venecia na magkaroon ng botohan pero ang pinag-usapan sa caucus ay ang manner ng magiging botohan upang maiwasan ang anumang sigalot sa mga miyembro ng koalisyon.
Wika pa ni Bunye, ngayon magkakaroon ng botohan para sa isinusulong ng ilang kongresista na pagpapalit ng liderato sa Kamara kung saan ay sinasabi ng grupo ni Nograles na meron silang bilang para mapatalsik si de Venecia.
Hinihiling lang nila na idaan sa voting by acclamation at hindi sa nominal voting ang pagpili ng bagong Speaker upang hindi magkaroon ng confrontational debates sa kani-kanilang mga boto at maiwasan ang samaan nang loob.
Magugunita na kabilang ang anak ng Pangulo na sina Pampanga Rep. Mikey Arroyo at Camarines Sur Rep. Dato Arroyo sa sumusuporta kay Rep. Nograles.
Naunang sinabi ni Rep. Mikey na dapat nang palitan si de Venecia dahil sa pagkabigo nitong maipatupad ang reporma sa Kamara, ang kawalan ng transparency sa pagpapalabas ng pondo at ang pagpayag nitong sumawsaw sa government transactions ang anak nitong si Joey III.
Sa hiwalay na ulat, inihayag ni An Waray Party List Rep. Florencio “Bem” Noel na umabot sa mahigit 169 solons mula sa iba’t ibang partido ang lumagda sa manifesto na nagsasabing wala na silang kumpiyansa kay de Venecia.
Tinawag ang manifesto na isang “Death Warrant,” sinabi ni Noel na dulot ng lumalagong suporta upang patalsikin si de Venecia, ipinakikita nito na tuluyan nang natapos ang krisis na bumabalot ngayon sa Kamara.
“Nakita ko ang listahan at kung sino ang 169 solons na lumagda sa manifesto, tapos na ang boksing. Ihahain namin ang lagda at ang sinasabing “warm bodies” upang maipatupad na ang pagbabago sa liderato ng Kamara,” giit ni Noel.
Ngunit kasamaang palad, naantala ang showdown kahapon sa Kamara matapos magdesisyon ang isang administration solon na magdaos muli ng panibagong caucus upang tuluyan nang makapagdesisyon kung paano mareresolbahan ang krisis.
Ayon naman sa batang Arroyo, mahigit kalahati ng miyembro ng Lakas Party ang nagpahayg ng suporta upang patalsikin si De Venecia sa poder.
Napaulat naman sa ABS-CBN ang pagbubunyag ni de Venecia na, ayon umano kay Manila Rep. Bienvenido Abante, may kumalat na tsismis na may nag-aalok ng mula P500,000 hanggang P1 milyon sa bawat kongresista para patalsikin siya sa puwesto.
- Latest
- Trending