Sinagot ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang lahat ng gastusing medikal ng mga sundalo na inambus ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Bagangga, Davao Oriental noong Huwebes ng umaga.
Personal na binisita ni Mayor Duterte ang mga sugatang kagawad ng 67th Infantry Battalion sa pinagdalhang Doctors Medical Center at Camp Panacan Hospital sa Davao para itaas ang moral ng mga sundalo at nagbigay din ang alkalde ng tig-P10,000 sa bawat isa kasabay ang pangakong ‘financial assistance’ sa pamilya naman ng mga nasawi.
Sinabi ni Mayor Duterte, isang paraan niya ito para personal na pasalamatan ang mga ‘men in uniform’ na itinataya ang kanilang buhay para lamang matiyak na magkaroon ng katahimikan sa buong lalawigan.
“They were there to protect us, so its just right that we return the favor now that they and their families need it,” anang alkalde.
Hinikayat din ni Duterte ang magkabilang panig na bumalik sa ‘negotiating table’ upang maiwasan na ang pagpapatayan ng bawat isa na walang ibang nagdurusa kundi ang kanilang mga pamilya.