OFWs tiyaking ligtas sa pag-abuso - PGMA

Iniutos ni Pangulong Arroyo sa lahat ng ahensiyang may kinalaman sa pagbibigay ng proteksiyon sa OFWS na tiyaking legal ang pinapasukan nilang trabaho sa ibayong dagat upang makaiwas sa iba’t ibang uri ng pag-abuso ng kanilang nagiging amo.

Nais din ng Pangulo na siguruhin ng ating mga embahada sa ibang bansa na imonitor ang lagay ng trabaho ng OFWs upang maipagkaloob sa kanila ang buong proteksiyon kung kinakailangan.

Iniulat ng Philippine Embassy sa Cairo na wala pang available na legal na trabaho para sa mga domestic helper sa Egypt. Naglalabas lamang ang Egyptian Government ng working permits at visa sa mga foreign domestic helper kung ang nag-hired ay foreign diplomats na akredito sa Egypt.

Ipinaalala ng Pangulo na sinumang Filipino na nais magtrabaho sa Egypt subalit walang balidong visa at working permit ay nanganganib lamang na maaresto.

Bukod dito, hindi rin sila nakasisiguro na mapoprotek­tahan sa kanilang trabaho at sa halip ay baka maging malapit lamang sa pag-abuso at pagmamaltrato ng magiging amo. (Rudy Andal)

Show comments