Neri at Lozada ‘di kayang hulihin ng Senado

Kahit mayroon nang warrant of arrest na ipina­labas ang Senado, ami­nado ang liderato ng Ma­taas na Kapulungan na mahirap na mahuli ang magkaibigan na sina dating NEDA chief Romulo Neri at Rodolfo Lozada, chief executive officer ng Philippine Forest Corporation.

Sinabi ni Senate President Manuel Villar, hindi madali na habulin sa ibang bansa si Lozada dahil kailangan na makipag-ugnayan muna sa ibang bansa, na ang proseso nito ay hindi ganoon kadali.

Pero kung kinaka­ilangan ay gagawin umano ng Senado ang lahat ng paraan  upang maibalik sa bansa si Lozada.

Sumugod naman kaha­pon  ang grupo ng Office of The Sergeant at Arms na pinamumunuan ni retired Gen. Jose Ba­lajadia sa bahay ni Neri sa  Sta. Mesa Heights bago sila nagtungo sa opisina ng Philippine Forest Corporation sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Ngunit walang nadat­nan ang mga miyembro ng OSSA sa mga lugar na tinukoy kaya bigo na bu­malik ang mga ito sa Senado.

Hindi nakasipot si Neri sa pag­dinig ng Senate blue ribbon committee sa pag­papa­tuloy ng imbestigas­yon sa NBN-ZTE deal.

Maging si Lozada na isa sa sinasabing key witness ay hindi rin nakadalo matapos itong umalis ka­makalawa patungong Hong Kong.

Iginiit naman ni DENR Secretary Lito Atienza, ba­balik sa bansa si Lozada sa February 7 at hindi ito nag­tatago gaya ng nais pala­basin ng ilang senador. (Malou Escudero/Rudy Andal)

Show comments