Hinatulang mabilanggo at sumailalim sa community service nitong Lunes ang isang mag-asawang Hollywood personalities matapos mapatunayang guilty sa pagma maltrato at pang-aabuso sa kanilang Pinay domestic helper sa Los Angeles, California .
Sa report na nakarating kahapon sa tanggapan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alberto Romulo, kinilala ang Pinay maid na si Nena Cruz na makakatanggap ng $825,000 danyos perwisyos.
Nahatulan si James Jackson, dating vice president of Legal Affairs ng Sony Pictures na sumailalim sa 200 oras na community service at magbayad ng $5,000 multa habang ang asawa nitong si Elizabeth ay pinatawang mabilanggo sa loob ng tatlong taon.
Sa rekord ng US District court, lumilitaw na mas maganda pa ang naging pagtrato ng naturang Hollywood couple sa kanilang aso kumpara kay Cruz.
Nabatid na nagsampa ng kaso si Ruiz dahilan sa pamimilit sa kaniya ng mag-asawa na magtrabaho sa loob ng 18 oras. Madalas rin umano siyang sampalin at sabunutan ng buhok ni Elizabeth at sa kama ng asong alaga ng mag-asawa siya pinatutulog. Lumang pagkain din na tatlong araw na ang itinagal ang ipinakakain sa kaniya ng mag-asawa.
Inirereklamo pa ni Ruiz na $300 lamang umano ang ibinabayad sa kanya. (Joy Cantos)