Makikinabang din ang mga mamamahayag na nakulong na dahil sa kasong libelo sa bagong guidelines ng Supreme Court (SC) sa kasong libelo na naglalayong pagbayarin na lang ang mga mamamahayag, sa halip na ipiit.
Ayon kay Midas Marquez, hepe ng public information office ng SC, ang mga abogado ng mga convicted na mamamahayag ay puwedeng humiling sa korte na gamitin ang nasabing guidelines.
“If it is being appealed, a manifestation may be filed before the appellate court manifesting the possibility of leniency. It will definitely have an effect on cases which are still considered pending,” ayon kay Marquez.
Nauna rito, sinabi ni lawyer Harry Roque na plano nilang iapela sa United Nations (UN) ang kaso ni broadcaster Alex Adonis ng dxMF dahil hindi naman ito sakop ng bagong guidelines ng SC.
Si Adonis ay pinatawan ng 6-taong pagkabilanggo nang sabihin nito sa radyo na tumakbo umano ng hubad si Davao Rep. Prospero Nograles nang habulin ng asawa ng kaniyang kaibigang babae sa isang hotel sa Manila.
“In Adonis case, he was charged a second time precisely to keep him in jail,” ayon kay Roque.