Tuluyan nang dinismis ng Supreme Court (SC) ang apela ng gobyerno hinggil sa kaso ng pag-sequester sa shares ni business tycoon Lucio Tan sa ilang kumpanya. Sa isang pahinang resolusyon, ibinasura ng First Division ng SC ang motion for reconsideration na isinampa ng Office of the Solicitor General at ng Presidential Commission on Good Government.
Iginiit ng Mataas na Hukuman na wala namang bagong mga argumento na naiprisinta ang mga abugado ng gobyerno kaya wala nang dahilan para baguhin pa nila ang naunang desisyon.
Una nang pinagtibay ng SC ang naunang ipinalabas na desisyon ng Sandiganbayan na nagdedeklarang walang legal na basehan at hindi balido ang ipinalabas na “writs of sequestration” ng PCGG laban sa shares of stock ni Tan sa Allied Banking corporation, Foremost Farms Inc., Fortune Tobacco Corp, at sa Shareholdings Inc..
Wala umanong napatunayan ang PCGG na may kaugnayan ang mga yaman ni Tan kay dating Pangulong Ferdinand Marcos. (Gemma Amargo-Garcia)