Isinampa kahapon ng may 36 na media personalities at organizations sa Makati Regional Trial Court ang P10 milyong class suit laban sa mga opisyal ng Department of Justice, Department of Interior and Local Government, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
May kaugnayan ang demanda sa pang-aaresto ng mga awtoridad sa maraming mamamahayag na nagkober sa nabigong tangkang pagpapabagsak ng grupo ni Senador Antonio Trillanes sa pamahalaan sa Makati City noong nakaraang taon.
Kabilang sa nagsampa ng kaso ang National Union of Journalists of the Philippines, Center for Media Freedom and Responsibility, at Philippine Press Institute.
Sa demanda, inireklamo ng mga mamamahayag na hindi naging makatarungan, illegal at isang pang-aabuso ang ginawang pag-aresto, pag-posas at pagkulong nang ilang oras ng PNP sa ilang mga miyembro ng media na nagsagawa ng live coverage sa Manila Pen siege na kinasangkutan ng grupo ni Trillanes.
Nagdulot umano ng matinding “chilling effect” sa media ang nasabing insidente partikular na ang mga naku-cover sa mga emergency situations na kahalintulad ng Manila siege at Oakwood mutiny.
Samantala, agad namang nagpalabas ng 72-oras na temporary restraining order ang Makati judge hinggil sa nasabing petisyon ng media.
Nakasaad sa TRO ang pagpapahinto sa anumang pananakot ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga miyembro ng media partikular na ang mga nag-cover sa Manila standoff.
Nabatid na kapag naipanalo ng media ang nasabing kaso ay mapupunta ang nasabing P10 milyon sa defense fund ng mga journalists.
Magugunita na ilang oras ding nanatili ang may 50 mamamahayag na inaresto ng pulisya at dinala pa sa National Capital Region Police Office headquarters sa Camp Bagong Diwa.
Hindi naman naging katanggap-tanggap sa mga inarestong mamamahayag ang paliwanag ng PNP na inimbitahan lamang umano sila at hindi inaresto at layon umano ng ginawang imbitasyon na matukoy kung sino-sino ang mga lehitimong media at mga posibleng nagpapanggap lamang noong maganap ang Makati seige.
Bukod sa nasabing class suit ay nagsampa rin kahapon ng hapon ng hiwalay na petisyon ang mga Senior executives at reporters ng ABS-CBN Broadcasting Corp. para sa writ of prohibition ng Supreme Court.
Kasabay nito, muling dumulog kahapon sa Korte Suprema ang mahigit 100 mamamahayag upang magpasaklolo tungkol sa mga pagbabanta ng gobyerno laban sa kanila.
Base sa 39 pahinang petiton for prohibition, inireklamo ng mga petitioner sa pangunguna nina Maria Ressa, Carrie Villa at Luchie Cruz-Valdez ng ABS-CBN kasama ang may 100 pang mamamahayag ang gobyerno dahilan sa umanoy ibat-ibang uri ng pagharang sa ka rapatan para sa malayang pamamahayag.