Kaso laban sa human trafficker isinampa
Sinampahan ng National Bureau of Investigation ng kasong paglabag sa human trafficking law ang isang lalaking nagbebenta ng mga menor-de-edad bilang prostitutes.
Kasong paglabag sa Anti Trafficking in Persons Act of 2003 ang isinampa ng NBI laban kay Francis Garcia ng Unit 3206 Cityland Tower 1, Vito Cruz, Malate, Manila.
Nadakip si Garcia sa isang entrapment operation ng NBI noong nakaraang linggo.
Dinakip si Garcia batay na rin sa reklamo ni Jose V. Lazaro matapos na mawala ang kanyang alagang nakilala lamang sa pangalang Lovely, 16.
Nakilala umano ng suspek si Lovely noong nakaraang taon at pinangakuan itong gagawing isang modelo dahil ang una umano ay isang agency director .
Ngunit kalaunan ay nadiskubre ni Lovely na hindi pala director si Garcia at wala itong modeling agency bagkus ito ay isang human trafficker at nagbebenta ng mga menor-de-edad na kababaihan upang gawing sex workers.
Ayon kay Lovely, siya ay binabayaran ni Garcia ng halagang P8,000 kada customer ngunit kalaunan ay tumakas na din ito sa poder nito matapos na mabuntis at magkaroon ng sakit na STD.
Bukod kay Lovely, ibinenta rin ni Garcia ang isa pang menor-de-edad na nakilala lamang sa pangalang Honelyn. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending