Umalis kahapon patungong Hongkong si dating pangulong Joseph Estrada para dumalo sa kasal ng isang kaibigan.
Ito ang kauna-unahan paglalakbay niya sa ibang bansa sa loob ng anim na taon matapos makulong kaya labis ang kasiyahan ni Estrada na muli siyang makalabas ng Pilipinas.
Pinasalamatan ni Estrada ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) partikular si MIAA General Manager Alfonso Cusi dahil pinagamit aniya sa kanya ang mga VIP rooms sa NAIA na ang pangulo lamang ng Pilipinas ang gumagamit.
Sinabi ni Estrada, dadalo siya sa kasal ng anak ni Dante Go sa Linggo at makikipagpulong din sa mga matataas na opisyal ng iba’t-ibang organisasyon ng OFWs sa Hongkong.
Kasama ni Estrada si dating Senador Loi Ejercito at babalik ng Pilipinas sa Lunes.
Samantala, sinabi ni Estrada na malayo pa ang eleksyon kaya hindi nito sinagot ang mga tanong sa kanya ng mga reporters kung sino ang pambato ng oposisyon sa Presidential Election sa 2010.
Isa anya sa puwedeng kumandidato sa pagkapangulo ng bansa si Manila Mayor Alfredo Lim na naghatid dito sa NAIA.
Gayunman, sinabi ni Lim na natutuwa siya sa sinabi ni Estrada sa kanya pero ayon dito mas gusto niyang maging Mayor na lamang ng Manila. (Butch Quejada)