Naniniwala ang grupong Black and White Movement na nadaya si Sen. Loren Legarda noong 2004 Vice Presidential election batay na rin sa ebidensya ng election returns (Ers) na isinumite sa Presidential Electoral Tribunal (PET).
Ikinadismaya ni Leah Navarro, isa sa mga convenor ng Black and White, ang ginawang pagdismis ng PET sa protesta ni Legarda, partikular sa tinuran nitong umano’y walang ebidensya na magpapatunay sa dayaan.
Sa mahigit na tatlong taon at ginastang mahigit P12 milyon upang tustusan ang mga recount proceeding ng PET, naikumpara ni Legarda ang pitong kopya ng ERs mula sa Lanao del Sur at lumitaw na kakaiba ang ER na na-retrieve mula sa Kongreso na patunay na peke ang mga ito.
Hindi rin pabor ang Black and White sa pahayag ng abogado ni Vice President Noli de Castro na si Romulo Macalintal, na umano’y walang dayaan na nangyari noong 2004, maging sa presidential election.
Ayon sa grupo, kung walang dayaan na nangyari ay hindi sisingaw ang Hello Garci scandal at hindi rin kakailanganin pa ni Pangulong Arroyo na magsabi ng “I am sorry” kaugnay ng isyu.
Ang Hello Garci scandal ay kaugnay ng sinasabing nai-tape na pag-uusap sa telepono nina Pangulong Arroyo at Comelec Commissioner Virgilio Garcillano kung saan ay sinabing hiningi ng Pangulo ang karagdagang boto para sa administrasyon sa katagang “yung dagdag, yung dagdag.”
Naniniwala ang grupo na hindi rin mawawala ang dayaan hangga’t hindi nababalangkas ng maayos ang mga nakaupo sa COMELEC.