Saklolo ng Kongreso hingi ng Bureau of Fire
Dobleng pakiusap nga yon ang ginagawa ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Kongreso upang tuluyang susugan ang Fire Code of the Philippines para sa modernisasyon ng kanilang mga fire trucks at gamit sa paglaban sa sunog.
Sinabi ni BFP acting director, C/Supt. Enrique Linsangan na ang kakulangan sa maayos na fire trucks at fire fighting equipments ang pangunahin pa rin nilang problema sa pagresponde sa mga sunog.
Matatandaan na nagmukhang kawawa ang mga tauhan ng BFP kumpara sa mga maaayos na mga trak at mas “high-tech” na kagamitan ng mga Fil-Chinese fire volunteers sa pagresponde sa naganap na sunog kamakailan sa Baclaran mall sa Pasay City.
Sinabi ni Linsangan na kanilang isinumite ang pinalakas nilang “position paper” sa Mababang Kapulungan at Senado para gawing “urgent” ang pagrerebisa sa Fire Code.
Sa kasalukuyan, 10,000 sa 14,000 niyang mga bumbero ang walang helmets; 9,000 ang walang personal na jacket at boots habang marami rin ang walang gloves na pinakapayak na kagamitan ng isang bumbero habang nasa 127 breathing apparatus lamang ang pag-aari ng BFP para sa 14,000 tauhan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending