Isang 40 anyos na Pilipina na kumuha ng dalawang trabaho para masuportahan ang kanyang limang anak at asawa dito sa Pilipinas ang natagpuang patay sa likod ng isang Baptist Church sa Calgary, Canada noong Biyernes.
Iniulat sa isang isyu nitong Linggo ng Calgary Herald, isang pahayagan sa Canada, na pauwi na ang biktimang si Arcelie Laoagan mula sa trabaho noong Huwebes ng gabi nang mamatay siya sa kahina-hinalang paraan malapit sa Franklin C-Train station.
Inireport ng mga kasamahan ni Laoagan sa tinutuluyan niyang kuwarto na hindi na siya nakauwi mula nang umalis siya sa kanyang trabaho sa West Canadian bandang alas-10:00 ng gabi ng Huwebes.
Naliligo sa dugo ang katawan ng biktima nang makita sa isang tagong lugar sa likod ng Grace Baptist Church.
Nabatid na nagtatrabaho si Laoagan bilang scanner operator sa West Canadian Digital Printing Company.